Ilang araw na lang at pasko na… tapos na ang init ng tag-araw at lamig ng tag-ulan.
Pasko na…, Maririnig ang mumunting tinig ng mga batang nangangaroling. Makikita ang maraming palamuti sa bawat bahay. Ang malalaking Christmas tree, ang maliliwanag na Christmas lights.
Pasko na…, Nakagagaan sa puso ang bawat pagbati ng “Maligayang Pasko” lalo na’t mula sa mga taong mahal mo at nagmamahal sa iyo.
Nararamdaman ko ang ginaw na hatid ng pasko ngunit wala na ang kilabot, wala na ang pag-iisa. Hindi katulad sa mga unang lamig ng panahon. Galing ako sa tag-ulan. Nailigtas ko ang aking sarili sa sumpang hatid ng panahon. Hindi napagod ang aking puso, sa halip ay lumaban ito ng sabay. Ito ay dahil sa dumating ka. Ang daang pinalabo ng ulan ay hinawi ng iyong pagmamahal. Ang kahapong patuloy na sumusugat sa aking pagkatao ay nagawa mong bigyan ng mas magandang bukas.
Unti-unti nang nauubos ang kakarampot na pag-asa na sa kabila ng lahat ay mararamdaman ko rin ang ngiti. Hindi ako nagkamali sa pag-asa, sa huling sandali bago ang aking pag-abot sa wakas ay dumating ka. Pinulot mo ang pira-pirasong bahagi ng aking buhay at binuo ito.
Inakala kong hindi ako handa. Sinabi kong hindi na ako marunong magmahal. Natatakot ako sa maaaring gawin ng kahapon upang sirain ang ngayong nagsisimula pa lamang mabuo. Minumulto ako ng sumpa ng nagdaan, binubuwag ang mga pangarap. Winawasak ang mabuway ko pang pagkatao.
Sinabi ko ring wala akong karapatang maging maligaya dahilan sa wala nang magmamahal sa akin. Nagkamali ako. Dumating ka. Binigyan mo ako ng pakpak upang bumangon at makaalis sa aking pagkakadapa sa lupa. Hindi ko na kailangang mangarap ng mag-isa. Hindi na ako natatakot sa paniningil ng pangako. Hindi na ako makakaramdam ng kahungkangan. Hindi na… Ang kapayapaang dati’y maaari lamang ihatid ng kamatayan ay maihahandog na ng isang masayang simula.
Nakikita ko na ang mga regalo, naririnig ko na rin ang mga pabulong na paghingi nito. Kasabay nito ay nakikita ko ang ngiti na kay tagal ring ipinagkait sa akin ng langit. Binubuhay nito ang ligaya na ni sa hinagap ay hindi ko inakalang madarama ko pa. Sa piling mo lamang napapatunayan na ang langit ay abot kamay lamang.
Sa maraming mga pagkakataon si tadhana ay gagawa ng paraan upang buwagin ang pagsasamang pinatitibay ng pag-ibig. Babalik at babalik ang kahapon, magpapa-alala sa kasalanang kulang ang habangbuhay upang mapagbayaran. Aangkinin ang bahagi nito sa aking puso, hindi upang punan ang espasyong iniwan nito, kundi upang sirain ang parteng naiwan para sa aking sarili.
Nakapagpahinga na ako, naituwid ko na ang landas kung saan ang mga pangako ay natatanaw na ang katuparan. Kumikilos ako hindi na dahil sa isang responsibilidad kundi dahil sa pagmamahal. Natagpuan ko na ang aking sarili at handa na ako.
Ilalaban ko ito kay tadhana, hindi na titigil sa isang paghihintay ng wakas. Hindi na ngayon, hindi ako nag-iisa. Hindi tayo magpapatalo sa labang ito. Ikaw at ako mahal ko.
Kapayapaan… Pag-ibig… Pasko… sa wakas…
This is ME - Take it or Leave It
Like A Rock - I Must be Hard
Like An Oak - I Must Stand Firm
Cut Quick - Like My Blade
Think Fast - Unafraid
Like a Cloud - I am Soft
Like Bamboo - I Bend in the Wind
Creeping Slow - I'm at Peace
Because I Know
It's Okay to Be Afraid
Like An Oak - I Must Stand Firm
Cut Quick - Like My Blade
Think Fast - Unafraid
Like a Cloud - I am Soft
Like Bamboo - I Bend in the Wind
Creeping Slow - I'm at Peace
Because I Know
It's Okay to Be Afraid