This is ME - Take it or Leave It

Like A Rock - I Must be Hard
Like An Oak - I Must Stand Firm
Cut Quick - Like My Blade
Think Fast - Unafraid

Like a Cloud - I am Soft
Like Bamboo - I Bend in the Wind
Creeping Slow - I'm at Peace
Because I Know
It's Okay to Be Afraid

2/14/12

Isang Araw ng Martes

Nagsimula ang salaysay na ito kahapon, sa jeep. Habang pinag-iisipan ko kung bibili ba ako ng cake sa Red Ribbon at ng pizza sa Pizza Hut. Nabubuo sa isip ko ang takbo ng kwentong ito habang naglalakad ako, kasabay ng pag-alala ko kung noong teenager ako, sampung taon na ang nakararaan (ang 19 naman ay teenager pa diba?), ay nag celebrate ba ako ng Valentine's Day. Kung ang taon na yun ng nakaraan ang ating pag-uusapan, sasagutin ko ito ng hindi. Hindi lang dahil sa wala akong boyfriend nung taon na yun, pero dahil pinili ko na hindi.

Ang palabas sa bus pagsakay ko, "Bata, Bata, Paano Ka Ginawa?". Akala ko madrama na ang buhay ko. Pero dahil naiyak pa rin ako sa kwento, naisip ko na baka mas madrama ang buhay nya. Kasi katulad ni Lea, dalawa rin ang anak ko. Isang lalake, yung panganay, at isang babae, yung bunso. At katulad din ng sitwasyon ni Lea, magkaiba rin ang tatay ng mga anak ko. Hindi ko masabi kung sino ang mas swerte sa amin ni Lea, sa gitna ng mga drama namin sa buhay. Nagkaroon ng pagkakataon si Lea na ikasal, ako hindi. Iniwan naman siya ng dalawang lalake sa buhay nya, habang kasama ko pa rin hanggang ngayon ang ama ng aking bunso.

Minsan, ang hirap ding intindihin ng buhay. Malingat ka lang sandali, magugulat ka, nawala ka na sa pila, naiwanan ka na, naliligaw. At kung hindi mo paghihirapan na hanapin ang tamang daan, baka hindi ka na makarating sa iyong dapat puntahan. Pero minsan, sinasadya rin ng pagkakataon na malihis ka ng landas, na madapa ka, na masugatan. Pag nadapa ang anak ko, hindi yun umiiyak, tatayo siya mula sa pagkakadapa, magpapagpag ng duming dumikit sa kanyang katawan, at tatakbo ulit. Minsan, mas marami kang matututunan sa mga bata.

Kahapon din sa gitna ng aking pagtatangka na maging abogado ng isang araw, meron akong mga kaibigan na sumusubok sa kaligayahan ng puso. Walang makapagsasabi kung saan man patutungo ang kanilang sitwasyon ngayon. Maaari silang masaktan, ngunit nandun pa rin ang pag-asa na hindi at tuluyan silang maging masaya. Isa sa mga natutunan ko sa aking buhay, may dahilan at may tamang panahon ang lahat ng bagay. Kung tama man ang kanilang nararamdaman ngayon, baka mali pa ang panahon para sa kanila. Pero kailan pa?

Minsan, ang paniniwala ko, merong mga taong perpekto. Mga taong, sasabihin mo, nasa kanila na ang lahat. At ang mga taong ito ay hinahangaan ko. Dahil nakikita ko ang kanilang galing, ang kanilang pagmamahal sa kanilang ginagawa, ang kanilang paninindigan. Iniisip ko na may hangganan ang kakulangan ng tao. Na darating ang isang araw, na nasa iyo na ang lahat ng kailangan mo. At wala ka ng ibang hihilingin pa. Pero kahapon, nalaman ko, marami rin palang lungkot na nakatago sa mga ngiti ng mga taong akala ko perpekto. Maraming mga luha sa likod ng mga halakhak. Nalaman ko na kahit gaano ka man kagaling, gaano man kataas ang posisyon mo sa buhay, laging merong kulang. Hindi ko inaalis ang paghanga ko sa kanila at sa kanilang kakayahan, pero naintindihan ko, na katulad ko rin sila. Hindi perpekto. Napatunayan ko na hindi nasusukat sa laki ng bahay ang kaligayahan ng isang tao. Minsan, may kayamanan sa gitna ng kawalan at may kapayapaan sa gitna ng kaguluhan. Minsan, kaya ng tao na umiyak at tumawa ng sabay.
Nasaan kaya ako sampung taon mula ngayon? Saan kaya tutungo ang aking landas? Sana sa panahong iyon, may kakayahan pa akong magsulat. Sana, marami na akong natutunan sa buhay. Sana may puwang pa sa mga bagong kaalaman. Sana, kahit may kulang, meron akong akin. Sana may lungkot at may saya. Sana, kung nasa gitna man ako ng kawalan, basta may pagmamahal, at kapayapaan.

Sana sa isa pang araw ng Martes, merong ituro sa akin ang buhay.