This is ME - Take it or Leave It

Like A Rock - I Must be Hard
Like An Oak - I Must Stand Firm
Cut Quick - Like My Blade
Think Fast - Unafraid

Like a Cloud - I am Soft
Like Bamboo - I Bend in the Wind
Creeping Slow - I'm at Peace
Because I Know
It's Okay to Be Afraid

7/31/08

Essays - Ulan

Unti-unting bumabalot ang madilim na ulap sa liwanag ng mundo. Malamig na ang dampi ng hangin sa aking balat. May hatid na kilabot sa aking pagkatao ang pagbabago ng panahon.

Uulan.., huhugasan ng langit ang kalat na ginawa ng mga taong nang Kanyang nilikha ay sinabing mga nararapat na mag-alaga ngunit hindi nagawa.

Uulan.., malilinis ang mga daang buong araw na dinumihan ng pagbabago; kalat na basura, alikabok, maduming usok.

Uulan na naman. Kasabay ng pagpatak ng luha ng langit, bibigkasin ang isang hiling na sana’y tangayin ng agos ang mga kalat na nagpapahirap sa aking puso. Mga naipong dumi ng panahon na unti-unting sumisira sa aking pagkatao.

Malalaki ang patak, parang mga palasong nakamamatay. Palasong sa bawat pagtama sa katawan ay sumusugat. Mga sugat na nag-iiwan ng lamat na muli’t muling magpapa-alala sa kahapon na kung maaari lamang ay ibaon sa ilalim ng lupa at hindi na muling hukayin pa. Kahapong sa tuwing umuulan ay nagkakaroon ng sariling buhay at mangyayaring muli sa iyong harapan. Magaganap ito sa isang paraang tumitimo sa pinakapuno ng sugat at walang maaaring gawin upang baguhin ang mga nangyari na.

Ang ulan ay magiging bagyo, mas malakas, mas makapangyarihan. Inuubos nito ang kakaunting lakas na natitira sa aking kalooban. Wala na akong alam, wala na akong kayang gawin. Kumikilos ako sa dahilang wala akong karapatang tumigil o magpahinga man lamang. Wala… Ang aking buhay ay nakatali sa isang pangako na siyang magsisilbing kabayaran sa pagkakautang ng isang kasalanan. Isang kasalanang pinagbabayaran kong mag-isa. Ang aking parusa, hindi na ako magiging maligaya. Kaligayahang ipinagkait ng mga dahilan ng buhay. Una, hindi na ako marunong magmahal. Hinigop na ng tadhana kahit ang kakarampot na pagmamahal ko para sa aking sarili, paano ko pa magagawang magmahal ng iba? Ikalawa, wala nang magmamahal sa akin. Ang isang katulad ko ay hindi karapatdapat mahalin ng kahit sino. Wala akong kayang ibigay, kahit isang pangako ng bukas ay hindi ko magagawa. Nawawala ang dating malinaw na daan ng aking buhay… dahil sa ulan.

Titila na ang ulan, unti-unting makikita ang naiwang bakas ng sakuna.., parang damdaming dahan-dahan ang pagkawasak, mga pangarap na hindi na mabibigyan ng katuparan sa kahit anong paraan. Wala na…

Sa pagsilip ng munting liwanag, lalatag sa kalangitan ang bahagharing may hatid na hiwaga tulad ng isang kumot ng katahimikang babalot sa aking puso… at katulad ng tumpok ng ginto sa dulo ng makulay na arko, my naghihintay na kasaganaan sa pagtatapos ng paglalakbay.

Muli ay mababalot ng dilim ang paligid ngunit wala na ang ulan. Si Haring Araw ay yumakap sa kabilang bahagi ng mundo upang magbigay buhay. Mapupuno ang karimlan ng maliliit na liwanag ng mga tala, mga munting ilaw na magbibigay ng sagot sa bawat tanong. Magtatanggal ng takot, mag-aalay ng pag-asa.

Wala… kahit gaano man kaganda ang mga ulap kasama ang hatid nitong ligaya, kulang ang mga bituin upang punan ang kalungkutan. Ang ulan ay mananatili sa aking puso, maghahatid ng takot at pangamba. Mag-iipon ng kahungkangan at pag-iisa. Hanggang sa mapagod na lamang ito at kusang tumigil upang magpahinga.

Kapayapaan… sa wakas…