This is ME - Take it or Leave It

Like A Rock - I Must be Hard
Like An Oak - I Must Stand Firm
Cut Quick - Like My Blade
Think Fast - Unafraid

Like a Cloud - I am Soft
Like Bamboo - I Bend in the Wind
Creeping Slow - I'm at Peace
Because I Know
It's Okay to Be Afraid

11/25/08

Ang Ballpen Bow

Ang buhay, para lang ballpen yan..

Iba-iba ang kulay
Iba-iba ang bigat
Iba-iba ang itinatagal


Ang bawat titik na isinulat ng ballpen mo ay simbolo ng bawat pangyayaring tumatatak sa papel ng ating pagkatao. Madalas, nag-iiwan din ng marka ang ating ballpen sa kanvas ng iba. At minsan, ng mundo.


Iba-iba rin ang paraan ng pagkasulat ng ating ballpen. Merong pahaba, patayo, pabilog, at sa maraming pagkakataon, parang kinahig ng manok. Pero ang lahat ay isang pahayag kung saan tayo ang magsisimula, kung saan natin gagamitin at kung saan ang maabot ng ating ballpen.


Wala ito sa halaga o presyo ng ating ballpen. Hindi ito kinakailangang Staedtler o Gtech, hindi rin mahalaga kung Pilot o Panda o Lotus. Hindi sukatan ang pangharap na hitsura para masabi ang kahalagahan ng ating ballpen. Mas mahalaga ang bawat katagang nahabi sa isang makabuluhang salaysay. Mas mahalaga ang bawat daloy ng pagkakataon na huhubog sa ating katauhan.

Paminsan-minsan, nagbo-blot din ang ballpen. Nagiging malabo ang daloy ng mga pagkakataon, nagiging mahirap, at minsan nakakaperwisyo pa nga. Lalo na kung nakaupo ka sa pinakamahalagang pagsusulit ng iyong buhay at nagbo-blot ang ballpen mo.

Merong mga taong pipiliing itapon na ang ballpeng ito. Sa maling paniniwalang wala na itong halaga. Marahil dahil sa galit at kawalan ng pag-asa.

Pero mayroon pa ring hindi susuko. Gagawa at gagawa ng paraan.
Pinapainitan ang ballpen para mas madaling dumaloy ang tinta. Inaalog alog, pinipitik pitik.
Ito ay sa paniniwalang bukas susulat muli ng maganda ang ballpeng ito.
At madalas, nasa lakas lang yan ng paniniwala.

Parang ang buhay natin. Minsan, naiipit tayo at hindi makalabas. Merong mga desisyon na ayaw nating harapin. Mga desisyong susukat sa ating estado at sa paniniwala natin sa ating pagkatao.
Nagtatago tayo at nagsusumiksik sa maliit na tubong iyon at ayaw sumulat.
Sa maraming pagkakataon, kailangan lang nating maalog-alog.

Meron ding pangyayari na magtatae ang ballpen. At magkakalat ito. Sa kamay, sa sangkaterbang papel, sa sahig, sa kamay ng iba, sa papel ng iba. At hindi katulad ng pagbo-blot, hindi ito pwedeng pitik-pitikin dahil siguradong magkakalat ka lalo.

Minsan, mas mabuti pa na hayaan na lang munang maubos ang sobrang tinta. Wala ng dahilan pa para iyakan ang nasayang na. Hindi na ito maibabalik pa. Siguruhin lang natin na lilinisin natin ang ating kalat.

Dumadating sa ating buhay na gumagawa tayo ng mga bagay na kahit alam nating wala sa tamang landas ay patuloy nating ginagawa. Maraming nasasaktan. Marami ang nadadamay.
Magsisi man tayo hindi na maibabalik ang mga nasayang na panahon. Hindi na maibabalik ang mga luha at sakit. Kailangan na lang nating linisin ang ating kalat. At magsimula ulit.

Meron mang kaunting dungis ang ating malaking kanbas, nasa kagandahan pa rin ng bagong mga kataga, salaysay at larawan tayo huhusgahan.